Ang LOBOTOMY

Saturday, July 2, 2011

ALAPAAP.

Dati hindi ako naniniwala sa "Cloud 9". Hindi naman kasi ako nagdru-drugs.

Ngayon, alam ko na. Totoo palang may CLOUD 9. Hindi dahil sa drugs kaya ko napatunayan iyon.
Mukhang tanga. Lutang.Naglalakad ka ng hindi ka kasabay sa ikot ng mundo. Nakakarinig ka pero hindi ka nakakaintindi. Nakatingin ka pero wala kang nakikita. Nakakaramdam ka pero hindi ka nasasaktan. Saglit kang nawawala sa sirkulasyon ng sandaigdigan (saglit nga lang ba?)

Ibang klase ang sayang dulot ng bagay na mas masahol pa sa ipinagbabawal na gamot. Lilipad ka sa bawat kaliit-liitang detalye ng mga pangayayari. Gagaan ang pakiramdam mo na parang tuyong dahon na nagpapatangay sa ihip ng hangin. Magsisikhay ka na parang isang robot na walang kapaguran, walang inaalintan. Malululong ka sa kakaibang sensayong dulot nito na animo'y isa kang sundalong walang kinakatakutan.

Walang kapantay ang sayang dulot ng pagtawid sa alapaap ng pag-ibig.

Pero kagaya ng lahat ng pagtawid...dumarating din ang dulo. Ang hangganan.

At wala kang magagawa kundi ang harapin ang katotohanan na may katapusan ang paglalakbay.

Hindi mo alam kung maari ka pang makabalik sa tinahak na daan o kailangan mo ng tumulay sa panibagong ulap, o di kaya'y magpatihulog na lamang sa lupa upang magising sa katotohanang hindi naapakan ang ulap.

Anu man ang napili mong gawin, isa lang ang siguradong bibitbitin mo...

Ang patak ng ulan sa natunaw na ulap.

Ang pagpatak ng ulan sa bawat sandaling sasariwain ang mga alaala sa alapaap.